Kailan lang ay nadaan ako ng baluarte, sa tapat ng Bulletin at DOLE. Wala pa ring nagbago. Ang mga moog ay moog pa rin. Malimit na laman pa rin nito ang mga magkakarelasyon, magkakaibigan, magkakaklase. May init pa rin ang mga bato nito sa tuwing sila'y uupuan. May mangilan-ngilang ibong dumaraan. Tanaw ko pa rin ang maliit na bahagi ng Gusaling Villegas, ang tuktok ng Manila Hotel, orasan ng City Hall, pulang bubungan ng Pambansang Museo, at ilang gusaling hindi pamilyar sa akin ang pangalan. Dama ko pa rin ang haplos ng hanging dapit-hapon na may dalang magkahalong lamig at alinsangan. Tulad din ng dati, sa paboritong lugar ko inilagak ang